Home OPINION BUHAY-BINAHA NAKAIIYAK NA, MAY GUTOM PA

BUHAY-BINAHA NAKAIIYAK NA, MAY GUTOM PA

2
0

NAKOKONSENSIYA kaya ang mga hayop na korap sa flood control scam habang nakikita nila ang mga biktima ng baha?

Tinutukoy nating mga biktima ng baha ang mga may bahay na lumubog sa baha hanggang baywang o leeg o bubungan.

Siyempre pa, kasama na rin ang iba pa na mahigit nang isang buwang hindi nilulubayan ng baha.

Libo-libong pamilya ang mga ito sa Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Bataan at maraming iba pa.

Hindi na nga makatulog, wala pang makain ang iba, lalo na ang mga hindi umalis sa kanilang mga bahay at pumunta sa evacuation centers.

Sabi nga nila, hindi na relief goods ang kanilang kailangan kundi solusyon sa baha.

Halos lahat ay hindi naman basta makalipat ng ibang pagtatayuan ng bagong tahanan dahil wala na silang gagastusin pa para rito.

Isipin pang marami pala sa mga ito ang utang ang ipinampatayo ng tahanan at kabuhayan, at marami rin ang padala ng mga nag-abroad nilang kaanak.

Kasama sa mga lumubog at nasira ang napunday nilang mga sasakyan, produktong paninda, kagamitan sa bahay at iba pa.

Kulang pa kung ilarawan na nakaiiyak o nakaaawa ang kanilang kalagayan.

Ang nakapaninindig-balahibo, naniniwala silang hindi masamang kalikasan ang ugat ng kanilang kalagayan kundi bunga lahat ng korapsyon ng mga nanunungkulan.

Hindi nga sapat na pampalubag-loob ang mga pagkakaso sa mga korap dahil hindi naman naibabalik sa mga nabaha ang nasisira nilang buhay, kabuhayan, tahanan, pag-aaral at iba pa.

Sa ngayon, mga pangunahing pangangailangan ang kanilang hinihiling: Pagkain, medisina, malinis na tubig at iba pa.

Ngunit mas gusto nilang malutas ang mga pagbaha na gawa ng mga korap at sa pinakamadaling panahon, makulong nang mabilis at magsauli ng nakaw na dapat maibigay sa kanila para sa muling pagpupundar ng bago nilang tahanan at pamumuhay.

Nakokonsenya kaya ang mga korap sa Palasyo, Kamara, Senado at iba pang mga korap?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here