MANILA, Philippines – Patuloy ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) para maaresto si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, sa kabila ng ulat na may negosasyon sa mga umano’y kumukupkop sa kanya.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co, hindi maaaring ibunyag ang detalye ng operasyon dahil maaari itong maglagay sa panganib sa mga pulis at iba pang sangkot.
“Operational details cannot be publicly discussed as this will compromise our ongoing operations and could pose danger to the safety of everyone involved, not just our personnel but everyone involved,” ani Co.
“What we can confirm is that our efforts are ongoing and relentless. We will not yield and we will not be distracted from our goal,” dagdag niya.
Sinabi ng PNP na maaari ring managot sa batas ang sinumang tumutulong kay Dela Rosa, depende sa uri ng kanilang pakikilahok.
May warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay ng crimes against humanity case na may kinalaman sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ni Co na nasa Pilipinas pa rin ang senador at itinuturing itong flight risk.
Samantala, hinahabol din ng PNP ang 91 sa 117 baril na nakarehistro kay Dela Rosa. Dalawampu ang isinuko sa Davao Region at anim sa Calabarzon. Nakikipag-ugnayan ang Firearms and Explosives Office sa pamilya ng senador para sa pagsuko ng natitirang mga baril. RNT/MDS