TAGUIG CITY, Philippines – Ibinasura ng Taguig City Prosecutor’s Office ang reklamong perjury na inihain ni Vice President Sara Duterte laban kay Ramil Madriaga dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Inireklamo ni Duterte si Madriaga noong Marso 2026 dahil sa umano’y pagpapakalat ng kasinungalingan at disinformation. Sa kanyang complaint affidavit, itinanggi ni Duterte na magkakilala sila o nagkaroon ng personal o propesyunal na relasyon.
Ayon sa prosecutors, hindi sapat ang mga ebidensiyang iniharap ni Duterte upang mapatunayan na sadyang nagsinungaling si Madriaga sa ilalim ng panunumpa.
“While complainant has presented evidence disputing respondent’s assertions, the evidence presently on record does not establish prima facie, with reasonable certainty of conviction, that respondent knowingly and willfully made materially false statements under oath,” pahayag ng Taguig City Prosecutor’s Office.
Nauna nang sinabi ni Madriaga na nag-deliver umano siya ng malaking halaga ng pera sa ilang indibidwal matapos iutos ni Duterte, na noon ay Education Secretary. Inakusahan din niya si Duterte na tumanggap ng 2022 campaign funds mula sa mga drug lord at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Itinanggi ito ni Duterte at sinabing wala siyang kailanman ibinigay na “instructions of any kind” kay Madriaga at hindi niya ito dinalaw o nakausap habang nasa kulungan.
“Mr. Madriaga has offered no proof — no documents, no corroboration — only accusations. Bare allegations, no matter how loudly repeated, amount to nothing more than noise,” ani Duterte.
Samantala, sinabi ng kampo ni Madriaga na dalawang beses umano siyang binisita ni Duterte sa BJMP facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, para pigilan ang kanyang pagbubunyag. RNT/MDS/Dave Medina