BULACAN, Philippines – Arestado ang isang indibiduwal nang tangkaing magnakaw ng materyales ng linya ng kuryente sa lungsod ng Meycauayan nitong umaga ng Setyembre 9.
Sa ulat ni PLTCOL Melvin Florida Jr, hepe ng Meycauayan police station, habang gumaganap sa tungkulin ang isang security guard ay napansin niyang may kumislap sa poste.
Nang puntahan ay nakita niya ang isang lalaki na nakabulagta sa lupa sa ilalim na bahagi ng poste na tila nahulog mula rito.
Nakitaan ang lalaki ng paso sa kanang braso at katawan kaya agad niyang ipinagbigay alam sa mga nagpapatrulyang pulis na umaresto dito kalaunan.
Dahil sa tinamong pinsala ng suspek agad humingi ng medical assitance ang mga umaresto sa rescue team na rumesponde sa lugar at nagsugod dito sa ospital.
Narekober sa lugar ang isang metal saw blade at pliers na pinaniniwalaang ginamit ng suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. (Dick Mirasol III)