Home NATIONWIDE Marcos, inalok foreign investors na mamuhunan sa Luzon Economic Corridor

Marcos, inalok foreign investors na mamuhunan sa Luzon Economic Corridor

3
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga dayuhang negosyante na maglagak ng pangmatagalang puhunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor (LEC), kasabay ng pangakong palalakasin ng pamahalaan ang imprastraktura, workforce at investment environment sa bansa.

Sa Luzon Economic Corridor Investment Forum sa Taguig City nitong Huwebes, sinabi ni Marcos na layunin ng proyekto na pagdugtungin nang mas mahusay ang Subic Bay, Clark, Metro Manila at Batangas bilang magkakaugnay na sentro ng manufacturing, logistics, trade at iba pang industriya.

“The LEC is not simply a collection of infrastructure projects. It is our strategy for organizing growth,” ani Marcos.

Ayon sa Pangulo, nais ng gobyerno ng investments na hindi lamang magdadala ng kapital kundi lilikha rin ng trabaho, maglilipat ng teknolohiya at kaalaman, magpapaunlad ng Filipino talent at susuporta sa mga lokal na supplier.

“Come and build with us. Invest in the Filipino,” panawagan niya sa mga investor.

Inilunsad ng Pilipinas, United States at Japan ang LEC initiative noong 2024. Lumawak na rin ang suporta rito mula sa iba pang partner countries.

Ayon sa U.S. Trade and Development Agency (USTDA), humigit-kumulang 600 international investors, industry leaders, project developers at government officials ang tinipon sa dalawang araw na investment forum noong Setyembre 10 hanggang 11 upang isulong ang financing at commercial partnerships para sa mga proyekto sa corridor.

Dumating ang panawagan ni Marcos kasabay ng paglabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng datos na nagpapakitang umabot sa US$3.4 bilyon ang foreign direct investment net inflows mula Enero hanggang Hunyo 2026. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here