MANILA, Philippines – Naghain ng libel complaints ang nakakulong na pastor na si Apollo Quiboloy laban kina Sen. Risa Hontiveros, Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at ML Party-list Rep. Leila de Lima.
Kinumpirma ng tatlong mambabatas sa magkakahiwalay na pahayag nitong Huwebes ang mga reklamong inihain laban sa kanila.
Sinabi ni Hontiveros na hindi siya natatakot sa reklamo at iginiit na mananatili siyang nakasuporta sa mga nagpakilalang biktima na lumantad laban kay Quiboloy sa mga pagdinig ng Senado.
“Hangga’t humihingi sila ng hustisya, tatayo ako sa tabi nila,” ani Hontiveros.
Tinawag naman ni De Lima na walang basehan ang reklamo at iginiit na dapat tutukan ni Quiboloy ang pagharap sa mga kasong kinakaharap nito.
Si Cendaña naman ay nagsabing hindi sila titigil sa paghahangad ng hustisya para sa mga nag-akusa kay Quiboloy.
Sa hiwalay na pahayag, tinawag din ng Akbayan Party-list na “laughable” ang mga reklamo at sinabing pinaninindigan nito ang mga testimonya at legal records kaugnay ng mga alegasyon laban sa pastor.
Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy habang nililitis sa Pilipinas sa mga kasong kinabibilangan ng qualified human trafficking at sexual abuse.
Pinaghahanap din siya sa Estados Unidos kaugnay ng mga kasong sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling, ayon sa Federal Bureau of Investigation.
Naghain na rin ang Estados Unidos ng extradition request laban sa kanya, na patuloy na sumasailalim sa proseso ng pamahalaan ng Pilipinas. RNT