Home NATIONWIDE DILG: 2M iligal na baril, nakakalat sa bansa

DILG: 2M iligal na baril, nakakalat sa bansa

3
0

MANILA, Philippines – Tinatayang nasa dalawang milyon ang loose o unlicensed firearms na umiikot sa bansa, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Inihayag ito ni Remulla sa pagdinig sa Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), matapos siyang tanungin ni Sen. JV Ejercito hinggil sa lawak ng problema sa mga hindi lisensiyadong baril.

“We estimate in the range of the high of two million,” ani Remulla.

Ayon sa kalihim, ginagamit din ng DILG ang intelligence gathering upang matukoy ang lawak ng loose firearms problem habang itinutulak ng ahensya ang paghihigpit sa umiiral na firearms laws.

Iginiit ni Remulla na 98% ng mga krimeng kinasasangkutan ng baril ay gumagamit umano ng loose firearms, dahilan para suportahan ng DILG ang mas mabigat na parusa sa illegal possession.

Nauna nang sinabi ng DILG na nais nitong hilingin sa Kongreso na gawing non-bailable ang illegal possession ng loose firearms, kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na pananagutan ng mga legal gun owner kapag napunta sa ibang tao ang kanilang armas at nagamit sa krimen.

Sinabi rin ni Remulla na may mga nahuhuling may loose firearms na nakakakapagpiyansa at kalaunan ay nasasangkot umano muli sa krimen.

Bukod dito, nais ng DILG na palakasin ang pananagutan ng mga lisensiyadong gun owner kapag nanakaw o napabayaan ang kanilang armas at nagamit ng ibang tao sa paggawa ng krimen. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here