MANILA, Philippines – Suportado ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang planong ilipat ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Immigration (BI) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang mapabilis umano ang maritime law enforcement at mga operasyon laban sa foreign fugitives.
Inihayag ito ni Remulla sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee J sa panukalang P332.5-bilyong budget ng DILG para sa 2027.
Ayon sa kalihim, mas magiging episyente ang pagpapatupad ng batas sa karagatan kung mapapasailalim sa DILG ang PCG, na kasalukuyang nasa Department of Transportation.
“If the Coast Guard is under the DILG… then we can abrogate the entire maritime command of the PNP and have the Coast Guard be in charge of enforcing the law in the seas,” ani Remulla.
Sinabi rin niyang nais nilang ilipat sa DILG ang Bureau of Immigration, na kasalukuyang nasa Department of Justice, dahil umano sa mabagal na koordinasyon kapag may operasyon laban sa mga dayuhang pugante o foreign nationals.
Kasabay nito, muling iminungkahi ni Remulla na ilipat naman ang Bureau of Jail Management and Penology sa Bureau of Corrections upang magkaroon ng iisang corrections structure.
Ayon kay Remulla, naisumite na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panukalang pagbabago at nagpahayag umano ang Pangulo ng suporta rito.
Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na maaaring maisagawa ang ilan sa mga reorganisasyon sa pamamagitan ng executive order sa ilalim ng Administrative Code, sa halip na bagong batas. Santi Celario