Home NATIONWIDE Pagbabalik ng age limit sa SK na 15 ‘gang 19 isinusulong ni...

Pagbabalik ng age limit sa SK na 15 ‘gang 19 isinusulong ni Remulla

3
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pagbabalik ng age requirement para sa Sangguniang Kabataan candidates sa 15 hanggang 19 anyos at sinabing ang mga kabataang opisyal ay dapat na malapit sa edad at karanasan sa sektor na kanilang inirerepresenta.

Ito ang naging panukala ni Remulla kasabay ng deliberasyon ng Senate Committee on Finance sa proposed 2027 budget ng DILG.

“My recommendation is to bring it back to 15 to 19 years old, so that they would still be staying in the community,” ani Remulla.

Kinwestyon niya kung ang mga opisyal na malapit na sa 30 anyos ay epektibo bang mairerepresenta ang mga suliranin at pangangailangan ng mga kabataan.

“Because at 28 or 29 [years old], nag-asawa na po ‘yan, nagpamilya na, o nagtatrabaho na. I don’t think they are representative any more of their constituents,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga opisyal ng SK ay dapat na hindi bababa sa 18-anyos at hindi lalampas sa 24-anyos sa araw ng eleksyon.

Sila ay dapat na Filipino citizens, qualified voter ng Katipunan ng Kabataan (KK), at residente ng barangay ng mahigit isang taon bago ang eleksyon.

Ani Remulla, ang kasalukuyang age range ng SK ay mahirap itugma sa age requirements para sa iba pang elective positions.

“The minimum age for running for governor is 23, and to run for SK is between 18 and 29. You see the variance of what their responsibilities are,” aniya.

Ipinanukala rin ng DILG chief ang pagsusuri ng fiscal autonomy ng SK councils at nagpahayag ng pangamba kung ang mga kabataang opisyal ay may sapat nang kahandaan sa pangangasiwa ng pondo ng bayan.

“I think that the fiscal responsibility of the SK is not fully formed yet, and they are subject to the manipulation of so many factors,” giit ni Remulla.

Matatandaan na ngayong taon din ay sinuspinde ang dalawang SK chairperson sa Makati City matapos mapatunayang guilty sa misconduct sa magkahiwalay na kaso sa umano’y paghingi ng 20% na kickback mula sa supplier at pagpasa ng mga dokumento na may pekeng pirma. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here