MANILA, Philippines – NAGBIGAY-PUGAY si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. o mas kilala rin bilang si Apo Lakay na kanyang itinuturing bilang isang “great man” kung saan ang aral at prinsipyo ay patuloy na gumagabay sa kanya sa public service.
Sa pagdiriwang sa ika-109 taong gulang ni Marcos Sr. na idinaos sa Batac City, Ilocos Norte, nagbalik-tanaw ang Pangulo sa kung paano siya tinuran ng kanyang ama na pahalagahan ang public service, liderato at serbisyo.
Itinuro aniya sa kanya ng ama na manatiling ‘on track’ at palaging gawin ang tama kahit gaano pa kahirap ang mga pangyayari.
“So, one lesson – immediately that I remember – was he would ever say, ‘Do not ever take the easy way out. Do what is right, no matter how difficult that may be,’” ani Pangulong Marcos.
Aniya pa, iba ang atake ng kanyang ama pagdating sa pagtuturo ng ‘leksyon ng buhay’ sabay sabing mas nais ng kanyang ama na “teach by example and by leadership.”
Ikinuwento pa ng Pangulo na tinuturuan at inihahanda na pala siya ng kanyang ama sa panahon ng kanilang ordinaryong pag-uusap at sa mga panahon at oras na sila’y magkasama.
Hindi aniya siya sinanay ng kanyang ama na maging prominenteng public figure o masungkit ang pinakamataas na political position.
“But he taught me about public service, and he always would say that nothing worthwhile is achieved without great sacrifice,” ang tinuran ng Pangulo.
“Perhaps the most important lesson that I learned from him was public service must be above your country and your countrymen. It is a principle that guided him throughout his life, for this service, as a soldier to his years in public office, and eventually as president,” dagdag na wika nito.
Ani Pangulong Marcos, ang kaparehong prinsipyo aniya ang patuloy na gumagabay sa kanya habang dala niya ang responsibilidad ng isang Pangulo.
“I today carry the responsibilities of that office. But the same principles continue to guide me every single day. Because in every decision that we make, we must exercise judgment, put the national interest first, and ask what will best serve the Filipino people,” aniya pa rin.
Binigyang diin ng Chief Executive na ang public service ay dapat lamang na maging sentro sa bansa at sa mga mamamayan.
“Because what we do in service of our people is not for ourselves. It is for the country. It is for the people,” anito.
Samantala, dumalo ang Pangulo sa Banal na Misa sa Batac Church, na sinundan ng wreath-laying ceremony sa Marcos Monument. KRIS JOSE