MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga opisyal ng pamahalaan na gumamit ng mabuting pagpapasya, unahin ang pambansang interes, at laging isaalang-alang ang pinakamabuting kapakanan ng mga Pilipino.
Sa kanyang talumpati sa wreath-laying ceremony bilang paggunita sa kanyang yumaong ama, dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., sinabi ng Pangulo na ang paglilingkod sa bayan ay dapat laging nakatuon sa kapakanan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin niya na ang public service ay hindi dapat para sa pansariling interes kundi para sa bansa at sa mga mamamayan, isang prinsipyong natutunan niya mula sa kanyang ama, mula sa pagiging sundalo hanggang sa paglilingkod sa pamahalaan at pagiging Pangulo.
“But perhaps the most important lesson that I learned from him was that public service must be about your country and your countrymen. I today carry the responsibilities of that office, but the same principles continue to guide me every single day,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.
Naalala rin ng Pangulo ang itinuro ng kanyang ama na huwag piliin ang madaling paraan at laging gawin ang tama, gaano man ito kahirap.
“Do not ever take the easy way out. Do what is right, no matter how difficult that may be,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi rin niya na itinuro sa kanya ng kanyang ama na ang tunay na paglilingkod ay nangangailangan ng sakripisyo.
“Nothing worthwhile is achieved without great sacrifice,” ani ng Pangulo.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ang paglilingkod sa bansa ay hindi lamang responsibilidad ng mga nasa pamahalaan kundi ng bawat Pilipino.
“Because what we do in service of our people is not for ourselves; it is for the country, it is for the people. We must always remember that there is no sacrifice too great for your people and for your country,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang gawin ng bawat isa ang kanilang bahagi upang maiwan ang Pilipinas na mas maayos kaysa sa kanilang natagpuan.
“We must serve our fellow Filipinos, and we must do our part to leave the Philippines in a better place than we found it,” aniya pa rin.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga dumalo sa paggunita, na aniya ay nagbigay ng higit na kahulugan sa okasyon at nagbalik ng mga alaala tungkol sa kanyang ama na kanilang pinarangalan.
Samantala, kasama ng Pangulo sa seremonya sina First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos at kanilang mga anak na sina House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at William Vincent “Vinny” Marcos, House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos, Ilocos Norte Second District Representative Angelo Marcos Barba, at Batac City Mayor Markee Chua. KRIS JOSE