MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senador Pia Cayetano na hindi siya nagtatago at siya ay nasa Singapore para sumuporta sa Philippine Padel National Team sa Asian Games.
Matatandaan na noong Huwebes ay kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na si Pia Cayetano at kapatid na si Senador Alan Peter Cayetano ay umalis ng bansa.
“Itong Singapore, sinadya kong pumunta because this is the tune-up game before the Asian Games,” ani Pia sa isang Facebook live.
“Daming nagtatanong kung nasaan daw ako, parang naman nakikipag-taguan ako. Hindi ako nakikipagtaguan, wala akong tinataguan, wala akong reason na magtago, yung gumagawa ng mga kwento, tingin niyo ba na tama yung gagawa ng kwento?” dagdag pa niya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga umano’y anomalya sa pag-host ng bansa sa Southeast Asian Games noong 2019.
Si Alan Cayetano ang pinuno ng organizing committee ng naturang palaro.
Bukod dito, nagsasagawa rin ng fact-finding investigation ang Ombudsman sa mga dokumento at iba pang ebidensya na ipinasa ni Senador Panfilo Lacson kaugnay naman sa reclamation project sa bahagi ng Laguna Lake sa Taguig.
Ang Taguig ay kilala ring balwarte ng mga Cayetano. RNT/JGC