MANILA, Philippines – Kinwestyon ng Malakanyang kung nasa tamang katinuan ba si Vice President Sara Duterte nang ipanawagan niya ang pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nitong Biyernes kasi ay bumanat na naman si Duterte laban sa Pangulo habang ito ay nasa harap ng Quezon City Hall of Justice para sa kanyang arraignment.
“Was she in a lucid interval at the time? Nasa tama ba siyang huwisyo? Nasa tama ba siyang pag-iisip? Baka po ito dala ng sleepless nights and anxiety, kaya hindi na po siya nakakapag-isip nang maayos,” ani Castro.
“Bakit? Gusto ninyo? Gusto ni Bise Presidente na agad-agad umupo? Kita naman even before ang plano ninyo. So sa ating mga kababayan, alamin ninyo kung sino ang tunay na leader para sa bayan, at sino ang tunay na leader para sa kanyang sarili,” dagdag pa niya.
Patungkol naman sa pahayag ni Duterte na ang pag-aresto kay dating speaker Martin Romualdez ay drama lang, sinabi ni Castro na ang totoong drama ay nasa labas ng Quezon City Hall of Justice.
Malinaw umano kung paano hinawakan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang sitwasyon ni Romualdez nang walang delay.
Pinasinungalingan din ni Castro ang mga akusasyon ni Duterte ng drug addiction laban kay Marcos.
“Inamin mismo ni dating Pangulong Duterte, pangulo na siya, na siya ay gumagamit ng marijuana. At inamin niya rin na ang paggamit niya ng fentanyl ay inabuso niya, dahil masarap daw yung pakiramdam. Cloud nine yung feeling. Noong umamin ba ang kanyang ama sa paggamit ng bawal na gamot, tinawag ba niya ang kanyang ama na adik? Bangag? So kung ano yung ginagawa ng inyong pamilya, huwag niyo ipahid kay Pangulong Marcos Jr.,” sinabi ni Castro.
“Dito lang kayo lumalabas na matapang magsalita, laban sa Pangulo, pero tungkol sa inyong sariling kaso, o kaya sabihin natin sa Pax Silica, at pati yung pag-iipon ng tubig-ulan, ay wala kayong masabing tama.”
Bukod dito, tinira rin ni Castro ang mga akusasyon ni Duterte sa korapsyon laban kay Marcos at sinabing mismong ang ama nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay umaming nagnakaw mula sa pondo ng bayan.
“Umamin siya na siya ay nagnakaw sa kaban ng bayan. Ang sabi niya, naubos na. Kung nagnakaw siya sa kaban ng bayan at inamin niya, kanino kaya napunta? Sino ang nakinabang?”
Dahil dito ay nanawagan si Castro na tutukan na lamang ni Duterte ang kanyang trabaho sa pagresolba sa mga problema ng bansa. RNT/JGC