MANILA, Philippines – Nasabat sa isinagawang interdiction operation ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang dalawampung abandonadong parcel na naglalaman ng nasa ₱20 milyong shabu at kush sa Pasay City nitong Huwebes ng hapon, Setyembre 10.
Sa inisyal na imbestigasyon ng NAIA IADITG, nasabat ang mga ilegal na drogabandang alas 3:00 ng hapon sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City.
Ayon sa IADITG, ang mga inbound parcel ay idineklarang “Personal Effects,” na ipinadala ng L2Air International Cargo, Ford Drive, Oakville, Ontario, Canada, na ang consignee ay ang Rensworld Freight Logistics Corp., ng No. 80 3rd Street, Simplicio Cruz Compound, Brgy. San Isidro, Sucat, Parañaque, Philippines.
Sa kabuuan, ang nakumpiskang hinihinalang shabu ay umabot sa humigit-kumulang 28,324 gramo o mahigit 28 kilo na nagkakahalaga ng ₱192,603,200 habang ang nadiskubreng kush naman na tumitimbang ng humigit-kumulang 4,746 gramo o kulang sa limang kilo ay may halagang ₱7,119,000.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim ang mga ito sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasangkot na consignee sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). James I. Catapusan/Larawan ni Jimmy Hao