Home NATIONWIDE Excise tax sa langis, pinasususpinde ni Bam kapag lumampas sa $89 kada...

Excise tax sa langis, pinasususpinde ni Bam kapag lumampas sa $89 kada bariles krudo

1
0

MANILA, Philippines – Inulit ni Senador Bam Aquino ang panawagan sa pamahalaan na agad suspindihin ang pangongolekta ng excise tax sa produktong petrolyo, sa pagsasabing ang presyo ng Dubai crude oil ay mahigit 30 araw nang lampas sa $80 kada bariles.

Ayon kay Aquino, puwedeng umaksiyon agad ang gobyerno sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12316, na nagbibigay ng pahintulot sa Pangulo na ipatigil o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kapag ang average price ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas ng $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.

Noong Setyembre 10, 2026, umabot sa $116.42 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil.

“Mahigit tatlumpung araw nang lampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil. Dapat nang umaksiyon ang administrasyon at agad suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

Nananawagan din ang LPG Marketers’ Association (LPGMA) Partylist na suspindihin na ang excise tax sa langis.

Ayon kay Aquino, malaki ang maitutulong ng pagsuspinde sa excise tax para mapagaan ang pasanin ng mataas na presyo ng langis sa pamilyang Pilipino, lalo pa’t nagdudulot din ito ng pagtaas sa halaga ng bilihin at paglobo ng gastusin sa transportasyon.

“Makababawas ito sa pasanin ng ating mga kababayan sa mataas na presyo ng langis, na nagreresulta rin sa pagmahal ng bilihin,” wika niya.

Hinikayat din ni Aquino ang Kongreso na isabatas ang Senate Bill No. 265, na kanyang isinumite noong Hulyo 8, 2025, na layong alisin ang excise tax sa produktong petrolyo.

“Panahon na ring isabatas ang Senate Bill No. 265 na ating inihain noon pang July 8, 2025 na nag-aalis ng excise tax sa produktong petrolyo, na magbibigay ng agarang ginhawa sa mga motorista, commuter, manggagawa, at mga maliliit na negosyo na patuloy na naaapektuhan ng mataas na presyo ng langis,” sabi pa niya.

Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na maibaba ang presyo ng langis at iba pang bilihin, inihain din niAquino ang Senate Bill No. 2017, na nais ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento sa 10 porsiyento sa mga bilihin at serbisyo, kabilang na ang produktong petrolyo. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here