MANILA, Philippines – Hinikayat ni Sen. JV Ejercito si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na linisin ang ahensya, partikular ang intelligence arm nito, at alisin ang mga personnel na umano’y sangkot sa korapsyon at pang-aabuso.
Ginawa ni Ejercito ang panawagan sa isang radio interview nitong Sabado, Setyembre 12, kasunod ng kontrobersiya sa paghawak ng BOC sa mga umano’y smuggled cigarettes na nasabat sa Bulacan.
“Sabi ko kanina napakabait ni Commissioner (Nepomuceno). Maraming nagsasamantala sa paligid niya—yung mga direktor at mga DepCom (deputy commissioners), pati mga agencies, yung CIIS,” ani Ejercito.
“Balita ko, naku, kahit na cleared na kung ano-ano pang ginagawa. Umayos kayo diyan,” dagdag niya.
Ayon kay Ejercito, maaaring samantalahin ng mga tauhan ang isang lider na umano’y sobrang maluwag sa pagpapatupad ng disiplina.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos salakayin ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang warehouse sa Bulacan noong nakaraang buwan kung saan nakaimbak umano ang mga puslit na sigarilyo.
Lalong uminit ang isyu matapos umanong mahuli ang dalawang personnel ng BOC na nagtangkang ibenta ang mga sigarilyong nakatakdang sirain.
Itinanggi naman ni Nepomuceno na alam niya ang pangalan ng dalawang personnel, kahit na may naunang memorandum ang BOC na tumukoy sa kanila bilang mga empleyadong naghanda ng incident report kaugnay ng raid sa Bulacan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakatakdang isponsor ni Ejercito ang panukalang 2027 budget ng BOC, na isang attached agency ng Department of Finance (DOF). RNT/MDS