MANILA, Philippines — Iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kabilang sa tungkulin ng isang acting vice mayor ang pagiging presiding officer ng Sangguniang Panlungsod, sa gitna ng usapin sa liderato ng konseho ng San Pablo City.
Ginawa ni Remulla ang pahayag nang tanungin sa DZRH Executive Session noong Sabado, Setyembre 12, tungkol sa awtoridad ni San Pablo City Acting Vice Mayor Shaira Aliyah Diaz.
“Ah hindi, kasama ’yun,” tugon ni Remulla nang matanong hinggil sa posisyong hindi umano awtomatikong kasama sa pagiging acting vice mayor ang pagpreside sa konseho.
Nang tanungin naman kung sino ang mamumuno sa sesyon sakaling hindi kilalanin si Diaz bilang presiding officer, sinabi ni Remulla: “Maresolba namin ’yan.”
Nag-ugat ang usapin matapos ang preventive suspension nina San Pablo City Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr. at Vice Mayor Justin Colago.
Dahil dito, umiral ang succession sa pamahalaang lungsod kung saan umupo si First Councilor Carmela Acebedo bilang acting mayor habang itinalaga naman si Second Councilor Diaz bilang acting vice mayor.
Nauna nang naiulat ang pag-upo nina Acebedo at Diaz kasunod ng suspension ng dalawang opisyal.
Noong Agosto 25, itinalaga ng Department of the Interior and Local Government si Diaz bilang acting vice mayor at inatasang gampanan ang mga kapangyarihan, tungkulin at responsibilidad ng nasabing posisyon habang umiiral ang pansamantalang pagkabakante.
Humingi rin si Diaz kay DILG Secretary Juanito Victor Remulla ng nakasulat na paglilinaw kung kabilang sa kanyang designation ang pagiging presiding officer ng Sangguniang Panlungsod.
Sa ilalim ng Section 49(a) ng Local Government Code, ang city vice mayor ang itinalagang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod.
Gayunman, naging bahagi ng usapin ang DILG Opinion No. 10, series of 2025, kung saan sinabi ng ahensya na ang designation bilang acting vice mayor sa isang kasong naka-leave ang regular vice mayor ay hindi awtomatikong nagdadala ng tungkulin bilang presiding officer.
Iginiit naman ni Diaz na naiiba ang kanyang sitwasyon dahil hindi leave of absence kundi preventive suspension ng regular vice mayor ang dahilan ng kanyang designation.
Sinabi ni Diaz na susundin niya ang anumang pormal na paglilinaw na ilalabas ng DILG upang maresolba ang usapin at makapagpatuloy nang maayos ang mga gawaing lehislatibo ng Sangguniang Panlungsod. RNT