MANILA, Philippines – Ilalagay sa red at yellow alert ang Visayas grid ngayong Linggo, Setyembre 13, dahil sa limitadong suplay ng kuryente, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Nakatakda ang red alert mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi, habang ipatutupad ang yellow alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi at muli mula alas-9 hanggang alas-11 ng gabi.
Ayon sa NGCP, nasa 2,158 megawatts (MW) ang available capacity ng grid habang umaabot sa 2,292 MW ang peak demand.
May kabuuang 1,044.5 MW na hindi available sa grid dahil sa ilang power plant na naka-forced outage o gumagana sa derated capacity. Kabilang dito ang malalaking coal plant na TVI 1, TVI 2 at PEDC 3, habang limitado rin ang power import mula sa Mindanao grid.
Sinabi ng NGCP na ang red alert ay inilalabas kapag hindi sapat ang suplay upang matugunan ang demand ng mga consumer at ang regulating requirement ng transmission grid.
Samantala, yellow alert naman kapag hindi sapat ang operating margin para matugunan ang contingency requirement ng transmission grid. RNT/MDS