Home OPINION KONSTITUSYON, PAPAYAG BA TAYONG BABUYIN?

KONSTITUSYON, PAPAYAG BA TAYONG BABUYIN?

3
0

KAKATWA ang ginawang pagkaladkad kay Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court dahil sa mga “nakatatawa” ring kaso ng grave threats na isinampa laban sa kanya.

Sa totoo lang, nakikita ito ng marami bilang senyales na nabibigo o nawawalan na ng pag-asa ang mga gustong mapatalsik ang bise-presidente sa pamamagitan ng Impeachment trial sa Senado. Ang ultimong nais lang naman ng mga deperado ay huwag nang makalaban sa halalang 2028 si VP Sara.

Ngayon, nais naman ng mga hunghang sa Senado na patalsikin ang Pangalawang Pangulo sa pamamagitan ng 10 boto o hatol ng mga senador kung isasaalang-alang ang pagliban ng ilan nitong miyembro.

Sabi ni Senate Impeachment spokesperson Atty. Reginald Tongol, maaaring mapawalang-bisa ng simpleng mayorya sa Senado ang desisyon ni Francis Escudero, bilang presiding officer ng impeachment court na 16 boto ang kailangan para mahatulan si VP Sara Duterte.

Papayag ba tayo mga kababayan na 10 senador lang ang makapagbabago sa ating Konstitusyon? Isinasaad nito na kung gustong patalsikin ang isang Impeachable official ay nangangailangan ng 2/3 votes ng mga kasapi ng Senado.

Alam naman natin kung sino-sino ang sampung senador na agad boboto sa pagpapatalsik kay VP Sara. Sila ay mga galamay o tuta ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Sa ilang araw nang pagdinig ng Impeachment court, marahil ay ramdam na ng mga alipores ni Marcos na hindi sila magwawagi para mahatulan si VP Sara. Wala naman talagang matibay na ebidensya ang prosekusyon. Wala ring bilang sa Senado pagdating sa botohan. Nasa 13 lang sila at di pa nakatitiyak kung madadagdagan pa ang mga ito.

Dehado talaga sila kaya naman biglang naisip na siguruhing mapatatalsik si VP Sara sa pamamagitan ng pagbabago sa interpretasyon ng Konstitusyon.

Papayag ba tayong mga Pilipino sa ganitong kabulastugan at kababuyan?

Wala namang problema kung mapatalsik si VP Sara kung mapatutunayan na siya ay may sala sa harap ng matitibay na ebidensya.

Pero hindi dapat kunsintihin ang mga walanghiyang tauhan ni Marcos sa Senado na babuyin at pilipitin ang Saligang Batas upang piliting tanggalin sa pwesto si VP Sara na inihalal ng mahigit 32 milyong Pilipino.

Huwag tayong papayag na baliin ng mga demonyo ang ating Saligang Batas!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here