MANILA, Philippines — Inalis na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 12% value-added tax (VAT) sa allowable system loss charge sa electric bills, hakbang na inaasahang magpapababa sa singil sa kuryente.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026, kinilala ng BIR ang allowable system loss charge na pasok sa cap ng Energy Regulatory Commission (ERC) bilang government-mandated pass-through cost at hindi na ito isasama sa gross sales na papatawan ng output VAT.
Ibig sabihin, hindi inaalis ang mismong system loss charge sa electric bill, ngunit hindi na ito papatawan ng VAT kapag naging epektibo ang bagong patakaran.
“For consumers, the practical effect is straightforward: once the new rules become effective, VAT will no longer be imposed on the allowable system loss portion of the electricity bill,” ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Inatasan din ang generation companies, National Grid Corporation of the Philippines, distribution utilities at electric cooperatives na hiwalay na ilagay sa billing statement ang allowable system loss charge upang malinaw ang VAT-exempt portion.
Nauna nang sinabi ng ERC na ang system loss ay tumutukoy sa bahagi ng kuryenteng nawawala habang dumadaan sa transmission at distribution network. Tinatayang makapagdudulot ang pagtanggal ng VAT ng bilyun-bilyong pisong taunang savings sa mga consumer.
Bahagi ang hakbang ng mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang singil sa kuryente habang hinihintay ang mas malawak na legislative reforms sa power sector. Dave Medina