MANILA, Philippines — Iginiit ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na walang anumang kapalit ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“My testimony is not for sale, Sir,” tugon ni Cabotaje-Tang kay defense counsel Mark Vinluan sa cross-examination nitong Lunes.
Itinanggi rin niya na may ipinangakong posisyon o anumang material benefit kapalit ng kanyang testimonya.
“No, Sir. And I will never testify if ever I was offered anything material or otherwise,” ani Cabotaje-Tang.
Nang tanungin kung naghahangad siya ng ambassadorial post, sinabi niyang retirado na siya at nais lamang niyang i-enjoy ang kanyang retirement.
Nilinaw din ni Cabotaje-Tang na wala siyang personal na kaalaman kung may unexplained wealth si Duterte o kung may mga ari-arian, stocks o bonds itong hindi naideklara o maling naideklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.
“I have none. Absolutely, sir,” sagot niya nang tanungin kung may personal siyang kaalaman sa accuracy ng SALNs ng Bise Presidente.
Ayon kay Cabotaje-Tang, limitado ang kanyang testimonya sa general legal principles at aplikasyon ng anti-corruption laws batay sa mga desisyon ng Supreme Court.
Siya ang unang prosecution witness sa Article II ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng umano’y unexplained wealth at hindi kumpletong disclosure ng kanyang assets, liabilities at financial interests.
Ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente ay hindi pa napapatunayan at patuloy na dinidinig ng Senate impeachment court. Ernie Reyes