Home METRO 4-anyos nasawi matapos masagasaan ng SUV sa Pasig

4-anyos nasawi matapos masagasaan ng SUV sa Pasig

1
0

PASIG CITY — Nasawi ang isang apat na taong gulang na batang babae matapos mabangga at magulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Bambang, Pasig City.

Batay sa CCTV footage, tumatawid ang bata sa isang makitid na kalsada noong Huwebes ng hapon nang masalpok siya ng SUV.

Bago ang insidente, nagpaalam umano ang bata sa kanyang ina na bibili lamang ng biskwit sa tindahan.

Makikita sa video na huminto muna ang bata upang padaanin ang isang motorsiklo bago muling tumakbo patawid. Kasabay nito, paparating naman mula sa kabilang bahagi ng kalsada ang SUV na tumama sa kanya.

Nagpatuloy pa umano ang sasakyan matapos ang insidente ngunit hinabol ito ng isang residente upang ipaalam sa driver na may batang nasagasaan.

Bumalik ang driver at siya ring nagdala sa biktima sa ospital, kung saan kalaunan ay idineklarang patay ang bata.

Ayon sa barangay security officer, posibleng nakaapekto sa visibility ng driver ang humps sa kalsada, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan.

Hindi pa nakukuhanan ng pahayag ang driver ng SUV.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente at kung may pananagutang kriminal o administratibo ang driver. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here