MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na denied na ang kanyang asylum application sa Austria, at tinawag itong “fake news.”
Ayon kay Roque, wala umanong patakaran na awtomatikong itinuturing na denied ang asylum application kapag lumampas ng anim na buwan nang walang desisyon.
“Until the Austrian authorities themselves issue a decision on my application, claims that my asylum bid has already been denied are false and misleading,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na nakabinbin pa sa Austrian authorities ang kanyang aplikasyon at hinihintay niya ang pinal na desisyon.
Samantala, sinabi ni Remulla na kukumpirmahin pa niya ang detalye kaugnay sa iniulat na pagtanggi sa asylum application ni Roque.
Samantala, sa Malacañang, iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na walang batayan ang pahayag ni Roque tungkol sa political persecution dahil may ebidensya umano ang mga kasong kinakaharap niya.
“Wala pong batayan ang ginawang request ni Harry Roque na sinasabing political persecution lang ang ginagawa sa kanya,” ani Castro.
Kinakaharap ni Roque ang qualified human trafficking case kaugnay ng umano’y illegal POGO hub sa Porac, Pampanga. May iba rin umanong reklamong may kaugnayan sa land grabbing at tax evasion.
Iginiit naman ni Roque na politically motivated ang mga kaso laban sa kanya. Kasalukuyan siyang nasa Austria habang hinihintay ang resulta ng kanyang asylum application. RNT/MDS