Home HOME BANNER STORY Remulla tutungong France para ‘iuwi’ si Zaldy Co

Remulla tutungong France para ‘iuwi’ si Zaldy Co

5
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na tutungo siya sa France upang kumbinsihin ang mga awtoridad doon na ibalik sa Pilipinas ang puganteng dating Ako-Bicol party-list representative na si Zaldy Co.

Ayon kay Remulla, nasa France si Co at naghain umano ng asylum.

“Batay sa mga pinakahuling ulat, naroon pa rin siya (Zaldy Co) sa France. At humihiling siya ng asylum,” ani Remulla.

Sinabi ng kalihim na layunin niyang kumbinsihin ang mga awtoridad ng France na hindi dapat pagkalooban ng asylum si Co at kailangan itong ibalik sa Pilipinas.

“Kapag na-set ko na ang lahat ng appointments, ia-announce ko ito sa inyo at bibigyan ko kayo ng update,” pahayag ni Remulla.

Ayon kay Remulla, nakikipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad ng France para ayusin ang kanyang mga appointment at posibleng bumiyahe roon sa loob ng susunod na 10 araw.

Nahaharap sa pag-aresto si Co kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno noong 2022 hanggang 2025, gayundin sa umano’y maanomalyang P289 milyong flood-control project sa Oriental Mindoro.

Nilinaw naman ni Remulla na nagkataon lamang na pupunta rin sa France ang kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla. Magkaiba umano sila ng flight at wala siyang alam sa mga plano ng kanyang kapatid. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here