MANILA, Philippines — Nagsimula na ang proklamasyon ng mga nanalo sa kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa gitna ng mataas na voter turnout ngunit may mga naitalang karahasan, mahinang signal at pagkaantala sa transmission ng resulta.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), umabot sa 82% ang voter turnout sa halalan noong Setyembre 14, kung saan nasa 2.393 milyon ang rehistradong botante sa rehiyon.
Isang araw matapos ang botohan, nahirapan ang ilang presinto sa Cotabato City na agad maipadala ang election returns dahil sa mahinang signal. Siyam na election returns ang kinailangang manual na i-upload, isang proseso na pinapayagan naman sa ilalim ng Comelec rules.
Nagkaroon din ng pagkaantala sa pagdating at transmission ng ilang resulta mula Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Tawi-Tawi at Basilan. Pinalawig din ang botohan sa Al-Barka, Basilan matapos umanong harangan ng mga armadong grupo ang ilang kalsada patungo sa polling sites.
Sa kabila nito, nagsimula nang iproklama ang mga nanalong district representatives.
Sa Lanao del Sur, anim sa siyam na district seats ang nakuha ng Serbisyong Inklusibo-Alyansang Progresibo (SIAP) Party, habang tatlo ang napunta sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Naiproklama rin si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua bilang kinatawan ng 3rd Parliamentary District ng Maguindanao del Norte.
Gayunman, sinabi ni Macacua na hindi maaaring balewalain ang karahasang nangyari kasabay ng makasaysayang halalan, partikular sa Cotabato City.
“But we cannot ignore the painful reality that violence occurred in some areas,” ani Macacua habang nanawagan sa mga residente na huwag hayaang magdulot ng pagkakahati-hati ang mga insidente.
Hindi bababa sa apat katao ang naiulat na nasawi at 19 ang nasugatan sa mga insidenteng iniugnay sa halalan, bagama’t inilarawan ng Comelec at Philippine National Police ang kabuuang botohan bilang generally peaceful sa kabila ng ilang isolated incidents.
Mahalaga ang unang parliamentary elections dahil tinatapos nito ang yugto ng pamamahala ng appointed Bangsamoro Transition Authority at nagbubukas sa unang elected parliament ng BARMM. Ang parlamento ay binubuo ng 80 puwesto—40 party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives.
Ayon naman sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, mahalagang hakbang ang halalan sa pagpapatupad ng Bangsamoro peace process at sa matagal nang hangarin ng rehiyon para sa sariling pamamahala.
Matapos ang halalan, sinabi ng mga opisyal na inaasahang tututok naman ang susunod na pamahalaang Bangsamoro sa pagpapatatag ng kapayapaan, pagkakaisa at pagpapaunlad ng ekonomiya ng rehiyon. RNT