Home HOME BANNER STORY Price freeze sa mga lugar na sapul ng El Niño, ipatupad —...

Price freeze sa mga lugar na sapul ng El Niño, ipatupad — Kiko

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa gobyerno na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na idedeklara sa ilalim ng state of calamity kasabay ng paghahanda sa epekto ng matinding El Niño sa produksyon at presyo ng pagkain.

Hinimok ni Pangilinan ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH) at iba pang kinauukulang ahensya na paigtingin ang pagbabantay sa merkado at labanan ang hoarding, profiteering at kartel.

“Hindi na dapat pagkakitaan ang nalalapit na kalamidad na magpapahirap pa lalo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda na mamimili rin sa palengke,” ani Pangilinan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, awtomatikong napapasailalim sa price control ang basic necessities sa isang lugar kapag idineklara itong nasa state of calamity, maliban kung may ibang deklarasyon ang Pangulo.

Ang automatic price control ay maaaring manatili habang umiiral ang kondisyong naging dahilan nito ngunit hindi lalampas sa 60 araw.

Para naman sa mga basic necessity na lubos na inaangkat at deregulated, gaya ng household liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, hanggang 15 araw lamang ang price control depende sa umiiral na inventory o supply level.

Nanawagan din si Pangilinan sa mga awtoridad na mangalap ng ebidensya at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang sangkot sa ilegal na manipulasyon ng presyo.

Sa ilalim ng Price Act, ipinagbabawal ang hoarding, profiteering at cartelization ng basic necessities at prime commodities.

“Ang pagpapatupad ay hindi dapat matapos sa maliliit na tindero lamang. Dapat nating tugisin ang nasa tuktok,” ani Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

Ang illegal price manipulation ay maaaring patawan ng lima hanggang 15 taong pagkakakulong at multang P5,000 hanggang P2 milyon.

Ang paglabag naman sa price control provisions ay may parusang isa hanggang 10 taong pagkakakulong, multang P5,000 hanggang P1 milyon, o pareho, depende sa desisyon ng korte.

Nagbabala rin si Pangilinan na maaaring managot ang mga opisyal o kawani ng gobyerno na makikipagsabwatan o sadyang magtatago ng paglabag sa Price Act.

Sa ilalim ng batas, maaari silang patawan ng karagdagang parusang permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here