MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P1.08 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang dalawang suspek sa operasyon sa Barangay Gusa, Cagayan de Oro City.
Inilunsad ng mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit-10 (RPDEU-10), lokal na pulisya, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon sa Purok 4A Hillside nitong gabi ng Lunes,
Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang residente na kinilalang sina alyas “Allyn,” 28, na tinukoy bilang high-value individual, at “Boy,” 44.
Nakumpiska mula sa kanila ang pitong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 160 gramo.
Narekober din sa mga ito ang brown sling bag, isang maliit na rectangular container, at P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Maharlika Custodial Facility ng Cagayan de Oro City Police Office ang mga suspek.
Mahaharap ang mga ito sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165). RNT/JGC