MANILA, Philippines — Hiniling ng mga abogado ng mga biktima ng drug war sa International Criminal Court (ICC) na ideklarang fit to stand trial si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa public redacted filing na may petsang Setyembre 17, sinabi ng Common Legal Representatives of the Victims (CLRV) na batay sa kanilang pagbasa sa findings ng panel of experts, natutugunan umano ni Duterte ang legal standards upang makalahok nang makabuluhan sa paglilitis.
Ayon sa CLRV, mahalaga sa pagtukoy ng fitness to stand trial kung kaya ng akusado na maunawaan at makilahok sa proceedings at makapagbigay ng instruksyon sa kanyang abogado.
Gayunman, malaking bahagi ng medical findings at detalye tungkol sa kalagayan ni Duterte ang naka-redact sa pampublikong bersyon ng dokumento. Ang pinal na pagpapasya kung fit siyang humarap sa trial ay nasa ICC Trial Chamber III.
Hindi rin tumutol ang mga abogado ng mga biktima sa pagbibigay ng “reasonable accommodations” na maaaring kailanganin ni Duterte sa pagdalo at pakikilahok sa trial, basta’t hindi nito maaapektuhan ang karapatan ng ibang partido at maayos na takbo ng proceedings.
Nauna nang humiling din ang ICC prosecution na ideklarang fit for trial ang dating Pangulo.
Noong Enero 26, 2026, natukoy na ng ICC Pre-Trial Chamber na fit si Duterte na lumahok sa pre-trial proceedings. Matapos makumpirma ang mga sakdal noong Abril, muling ipinag-utos ang medical examination upang suriin ang kanyang kakayahang lumahok sa trial phase. RNT