MANILA, Philippines — Walang Pilipinong naiulat na nasaktan kasunod ng mga pag-atake ng Houthi sa Riyadh, Saudi Arabia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes, Setyembre 21.
Sinabi ng DMW na patuloy nitong minomonitor ang kalagayan ng mga Pilipino sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng Migrant Workers Offices (MWOs), katuwang ang Philippine Embassy at Consulate.
Nakahanda rin umano ang mga tanggapan na tumulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) na maaaring mangailangan ng assistance.
Kinumpirma naman ng Saudi-led coalition na naharang at nawasak ng Royal Saudi Air Defense Forces noong madaling araw ng Setyembre 19 ang isang ballistic missile na inilunsad ng Houthi patungong Riyadh.
Pinayuhan ng DMW ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na manatiling alerto at sundin ang safety instructions at advisories ng mga awtoridad.
Maaaring tumawag ang mga OFW at kanilang pamilya na nangangailangan ng agarang tulong sa DMW hotline 1348 sa Metro Manila, 02-1348 mula sa labas ng Metro Manila, at +632-1348 mula sa ibang bansa.
Tiniyak ng ahensya na patuloy nitong babantayan ang sitwasyon at maglalabas ng karagdagang abiso kung kinakailangan. Dave Baluyot