Home NATIONWIDE Tatay ng shooter sa Banga school, posibleng makasuhan – Remulla

Tatay ng shooter sa Banga school, posibleng makasuhan – Remulla

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence ang ama ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato dahil sa paggamit ng kanyang baril sa insidente, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes.

“First of all, as I have said, everyone is a victim here. But as of now, sa batas natin ay reckless imprudence lang ang puwedeng i-charge sa kanya,” ani Remulla.

Ang ama ng estudyante ay empleyado ng Department of Education at pansamantalang inalis sa kanyang puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi ni Remulla na hihilingin niya sa Kongreso na palakasin ang pananagutan ng mga gun owner kapag nagamit ng kanilang kapamilya ang kanilang baril sa isang krimen.

“Kaya nga pupunta ko sa Congress bukas para makiusap na ang culpability ng gun owners extends to the use of their family kung may nangyari,” aniya.

Ayon pa kay Remulla, nalaman umano ng mga magulang noong Abril 2026 na nasangkot ang kanilang anak sa isang online group kaya dinala nila ito sa psychologist.

Nauna namang sinabi ng mga awtoridad na ang baril na ginamit sa pamamaril ay pag-aari ng ama at nakatago umano sa isang vault bago ito nakuha ng estudyante.

Tatlong estudyante ang nasawi at walo ang nasugatan sa pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa buong pangyayari. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here