MANILA, Phlippines — Isinusulong ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mas mahigpit na limitasyon sa paggamit ng social media ng mga batang edad 16 pababa at pagharang sa mga website na nagpo-promote ng karahasan, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Sinabi ni Remulla nitong Lunes na hihilingin niya sa Kongreso na pag-aralan ang mga panukalang maglilimita sa social media access ng mga menor de edad at magbibigay-daan sa pag-block ng mga website na may content na nagtataguyod umano ng nihilism at karahasan.
Kasama rin sa mga nais niyang hakbang ang mas mahigpit na regulasyon sa mga legal at loose firearms at pagbibigay ng pagkakataon sa Philippine National Police na inspeksyunin, nang may paunang abiso, ang kaligtasan ng mga lisensiyadong baril sa mga tahanan.
Ang mga panukala ay inilatag matapos sabihin ng DILG na may nakitang indikasyon ang mga imbestigador na nalantad ang suspek sa Banga school shooting sa ilang online groups at content na umano’y may kaugnayan sa karahasan at extremist ideologies. Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy kung sino o ano ang nakaimpluwensya sa estudyante at kung paano nito na-access ang naturang online content.
Tatlong estudyante ang nasawi at walo ang nasugatan sa pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18. RNT