Home TOP STORIES Insidente sa WPS, bahagi ng mas malawak na pangmatagalang hamon ng Tsina

Insidente sa WPS, bahagi ng mas malawak na pangmatagalang hamon ng Tsina

14
0

MANILA, Philippines — Hindi lamang pinsala sa barko ang dapat tingnan sa insidenteng kinasangkutan ng Philippine vessel na BRP Datu Magat Salamat at China Coast Guard (CCG) vessel CCG-21585 noong Setyembre 18 sa West Philippine Sea, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.

Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagkaroon ng contact ang CCG-21585 at BRP Datu Magat Salamat habang nagsasagawa ang BFAR vessel ng misyon upang maghatid ng fuel assistance sa mga Pilipinong mangingisda. Nangyari ang insidente sa layong humigit-kumulang 54 nautical miles mula sa Palawan, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon sa PCG, unang dumaan sa likuran ng BFAR vessel ang barko ng China sa layong tinatayang 10 metro bago muling nagsagawa ng naturang maniobra at tumama sa BRP Datu Magat Salamat. Nasira ang ilang rehas, metal na suporta at kagamitan sa ibabaw ng barko.

Itinuturing ng PCG na mapanganib ang mga maniobra ng CCG-21585, habang itinanggi naman ng panig ng China ang bersyon ng Pilipinas at iginiit na ang Philippine vessel ang may pananagutan sa insidente.

Kinondena naman ng Department of Foreign Affairs ang insidente at sinabing walang katwiran ang pagbangga sa isang barkong sibilyan na nagsasagawa ng humanitarian mission.

Para kay Goitia, hindi ang halaga ng pagkukumpuni ng barko ang pinakamahalagang usapin.

“Ang pinsala sa barko ay agarang epekto lamang. Ang mas seryosong usapin ay ang paglalagay sa panganib sa ating mga kababayan habang ginagamit nila ang kanilang lehitimong karapatan sa sarili nating karagatan,” ani Goitia.

Sinabi rin ni Goitia na kailangang tingnan ang insidente sa mas malawak na konteksto ng mga nagaganap sa Bajo de Masinloc at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.

Aniya, hindi dapat hintayin ng Pilipinas ang susunod na hakbang bago maghanda.

“Hindi natin kailangang hintayin na sabihin ng Tsina ang susunod nitong hakbang bago tayo maghanda. Tinitingnan natin ang mga nangyayari ngayon. Kung bahagi ito ng mas pangmatagalang pagsisikap na palawakin ang kontrol, kailangang maging matatag ang Pilipinas.”

Binigyang-diin din niya ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda at mga barkong nagsasagawa ng lehitimong misyon sa karagatan.

“Hindi natin isusuko ang ating mga karapatan sa sarili nating karagatan dahil lamang sa panggigipit ng ibang bansa. May karapatang mangisda ang ating mga mangingisda. May karapatang maglayag ang ating mga barko.”

Sa huli, sinabi ni Goitia na sa bawat insidenteng nagaganap sa West Philippine Sea, buhay ng mga Pilipino at karapatan ng bansa ang nakataya.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here