QUEZON CITY, Philippines – Handa na ang Commission on Elections (Comelec) Quezon City para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2.
Ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo, election officer IV ng QC Comelec, naghahanda na sila para sa halalan at susunod sa anumang magiging desisyon ng batas kaugnay ng isyu ng posibleng postponement.
“Naghahanda ang Comelec para sa BSKE, kung anu ang batas ay ipatutupad namin. Handa na kami at kung may postponement ay handa rin kami para dito,” ani Fajardo.
Sa QC Journalist Forum nitong Setyembre 22, sinabi ni Fajardo na nakikipag-ugnayan na rin ang Comelec sa Department of Education (DepEd) para sa paghahanda ng mga silid-aralan na gagamitin bilang polling precincts.
Magsisimula ang filing of candidacy sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, habang itinakda naman ang campaign period mula Oktubre 22 hanggang 31.
Samantala, sinabi ni Police Major Jennifer Gannaban, PIO ng Quezon City Police District (QCPD), na mahigit 1,000 pulis ang ipakakalat para sa BSKE. Maglalatag din ng checkpoints para sa pagpapatupad ng gun ban at liquor ban.
Makikipagtulungan ang QCPD sa QC Traffic and Transport Management Department (QCTTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS) at mga barangay multiplier upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa halalan.
Ayon naman kay QCTTMD chief Dexter Cardenas, magkakaroon ng rerouting sa mga lugar na malapit sa polling sites upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko. Maglalagay din ng mga tauhan ang QCTTMD at QCPD sa mga polling site para sa seguridad ng publiko. SANTI CELARIO