Home NATIONWIDE DepEd, maglulunsad ng Digital School Safety Campaign para sa proteksyon ng mga...

DepEd, maglulunsad ng Digital School Safety Campaign para sa proteksyon ng mga mag-aaral

4
0

MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Department of Education (DepEd) ang Digital School Safety Campaign upang protektahan ang mga mag-aaral laban sa mga panganib sa online at maisulong ang responsable at ligtas na paggamit ng digital platforms ng mga estudyante, guro at mga magulang.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng DepEd na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral sa buong bansa.

“Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga kabataan sa loob at labas man ng paaralan,” ani Castro.

Sa ilalim ng pamumuno ni DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng kampanya na palakasin ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa panganib sa internet at turuan sila ng praktikal na paraan upang maging ligtas at responsable sa paggamit ng mga digital platform.

Kabilang sa mga tatalakaying paksa ang ligtas na pakikipag-chat at online behavior, grooming at online child exploitation, cyberbullying at online harassment, privacy, scams, at pangangalaga sa personal na impormasyon.

Sinabi ni Castro na tatalakayin din ang responsableng paggamit ng social media, kaligtasan sa online gaming, pag-iwas sa marahas o mapanganib na online content, tamang screen time, at digital well-being.

Ayon pa kay Castro, magiging praktikal at madaling maintindihan ang mga aralin at learning materials upang matulungan ang mga mag-aaral, guro, at magulang na matukoy ang mga panganib sa online at malaman ang tamang hakbang upang maprotektahan ang kanilang sarili at ng iba pa.

Isasagawa ang kampanya sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police (PNP), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), at National Bureau of Investigation (NBI).

Makikibahagi rin ang mga lokal na pamahalaan at mga medical society sa pagbuo ng mga learning materials, safety protocols, at training para sa mga mag-aaral, guro, at magulang.

Magsasagawa muna ng pilot testing sa mga piling paaralan bago ipatupad ang kampanya sa buong bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here