MANILA, Philipines – Suportado ng Malakanyang ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y “ghost internet” scheme sa mga information technology project ng pamahalaan, at iginiit na dapat managot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas o umabuso sa pondo ng bayan.
Sa Palace press briefing nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat masusing imbestigahan ang mga transaksiyong kinasasangkutan ng mga public official na may alegasyon ng anomalya.
“Sa lahat ng ma-anomalya na transaksiyon na kinapapalooban ng mga public officials ay dapat lamang itong maimbestigahan,” ani Castro.
Binigyang-diin ni Castro na dapat maihatid nang maayos sa publiko ang mga serbisyong pinopondohan ng pamahalaan, lalo na’t mahalagang bahagi ng digitalization ang maaasahang connectivity.
Nang tanungin kung ang ghost internet issue ay makaka-apekto sa efficiency at streamlining sa transactions at serbisyo sa gobyerno, Castro replied, “Definitely kasi kung kulang ang mga maibibigay sa ating serbisyo, hindi magiging maganda ang epekto nito.”
Gayunman, sinabi ni Castro na wala pang matutukoy na opisyal na dapat managot habang nagpapatuloy ang mas masusing imbestigasyon.
“Wala pa akong masasabi sa ngayon… kailangan ng mas masinsinang pag-iimbestiga,” ani Castro.
Nanawagan din ang Palasyo sa mga contractor at investor na tuparin ang kanilang mga obligasyon at tiyaking kumpleto ang mga serbisyong binayaran ng pamahalaan. (KRIS JOSE)