MANILA, Philippines – Umabot na sa 10,936 ang hinihinalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa hanggang Setyembre 16, ayon sa Department of Health (DOH).
Mas mataas ito ng 38 porsyento kumpara sa 7,931 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Nakapagtala rin ang DOH ng 3,805 kaso mula Agosto 20 hanggang Setyembre 2, o 116 porsyentong mas mataas kaysa 1,762 kaso noong Agosto 6 hanggang 19. Dahil dito, lumampas sa epidemic threshold ang mga kaso sa buong bansa.
Iniugnay ng DOH ang pagtaas ng leptospirosis sa patuloy na pag-ulan at pagbaha. Sa kabuuang kaso, 8,640 o 79 porsyento ay mga lalaki, karamihan ay nasa working-age population na may median age na 33 at na-expose sa baha.
Bagama’t tumaas ang mga kaso, bumaba ang cumulative case fatality rate sa 5.1 porsyento, mula 10.55 porsyento noong 2025. Gayunman, 42 porsyento ng kabuuang nasawi ang naitala sa mga linggong lumampas sa epidemic threshold.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang leptospirosis ay bacterial disease na maaaring makaapekto sa tao at hayop. Maaaring makapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat o mucous membranes ng bibig, ilong at mata. Jocelyn Tabangcura-Domenden