Home NATIONWIDE Mga bayani ng komunidad kinilala ng DSWD

Mga bayani ng komunidad kinilala ng DSWD

1
0

BACOLOD CITY, Philippines – Kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga natatanging community volunteer, local government unit (LGU), at partner agency dahil sa kanilang ambag sa community-driven development (CDD) sa ilalim ng KALAHI-CIDSS.

Isinagawa ang BAYANI Ka Awards at Tatak KALAHI-CIDSS Awards sa SM Sky Hall sa Bacolod City nitong Martes, Setyembre 22, na dinaluhan ng mga kinatawan mula Luzon, Visayas at Mindanao, gayundin ng mga katuwang na organisasyon.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Promotive Programs Edmon Monteverde, ang BAYANI Ka Awards, na sinimulan noong 2014, ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad ng DSWD-KALAHI-CIDSS sa mga natatanging boluntaryo, grupo at katuwang nito.

Kabilang sa mga pinarangalan ngayong taon sina Angelica Resplandor ng Polillo, Quezon; Dionel Calibayan ng Surallah, South Cotabato; Ma. Mayonaise Monton ng Cabucgayan, Biliran; Jasper Syvel Prudente ng Polillo, Quezon; Elmer Pamocol ng Bingawan, Iloilo; at Eva Refuela ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental.

Kinilala rin ang mga LGU ng San Isidro at Guindulman sa Bohol, gayundin ang Abante Fatima Women’s Association ng New Washington, Aklan, sa iba’t ibang kategorya.

Sa Tatak KALAHI-CIDSS LGU Awards, itinanghal na kampeon ang Municipality of Lopez Jaena, Misamis Occidental para sa Molatuhan Bajo Level II Waterworks System. First runners-up ang Claveria, Masbate at Zamboanguita, Negros Oriental, habang second runner-up ang Barangay Sta. Cruz, Tagbina, Surigao del Sur.

Binigyan din ng special recognition ang Bataraza, Palawan para sa pilot testing ng Child Participation sa ilalim ng Philippine Community Resilience Project.

Binigyang-diin ni Monteverde na sa KALAHI-CIDSS, itinuturing ang mga komunidad bilang aktibong katuwang sa pagtukoy ng mga problema at pagbuo ng mga solusyon para sa kanilang sariling pag-unlad. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here