DAVAO, Philippines – Dalawang Pakistani national ang inaresto matapos makumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 155 secondhand vehicles na hinihinalang ilegal na ipinasok sa bansa mula sa dalawang compound sa Tagum City at Digos City.
Pinagsanib na operasyon ito ng Land Transportation Office (LTO), Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Kabilang sa mga nasabat ang mga minivan at mini pickup na umano’y walang kumpletong dokumento at karamihan ay right-hand drive.
Ayon kay LTO chief Markus Lacanilao, idinedeklara umano ang mga sasakyan bilang “rebuild,” kahit may impormasyon ang mga awtoridad na buo o intact ang mga ito nang ipasok sa bansa.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, limitado lamang ang pag-import ng used motor vehicles at nangangailangan ito ng kaukulang Certificate of Authority to Import mula sa Department of Trade and Industry para sa mga kwalipikadong importer at sasakyan.
Nagbabala rin ang LTO sa panganib sa mga consumer kapag bumili ng sasakyang walang maayos na papeles o hindi dumaan sa tamang conversion mula right-hand drive.
Sinabi ni Lacanilao na nahaharap sa ilang kaso ang dalawang naarestong dayuhan, habang patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan at dokumentasyon ng mga nakumpiskang sasakyan. RNT