MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na ang kinakailangang boto upang ma-convict si Vice President Sara Duterte ay magiging two-thirds ng mga senator-judge na kwalipikadong bumoto sa oras ng final judgment.
Ayon kay Escudero, maaaring hindi isama sa denominator ang mga senador na detained o suspended, legally restrained sa paggampan ng tungkulin, pinaghahanap ng mga awtoridad at hindi matukoy ang kinaroroonan, may physical o medical incapacity, o wala sa coercive processes ng Senado.
Gayunman, hindi pa awtomatikong nangangahulugan na hindi na bibilangin ang sinumang senador na pasok umano sa mga naturang sitwasyon. Sinabi ni Escudero na kailangang magpasya ang impeachment court batay sa “competent and sufficient evidence” kung sino ang kwalipikadong makilahok kapag dumating na ang botohan.
Kapag nagresulta naman sa fraction ang two-thirds computation, i-round up ito sa susunod na buong numero.
Halimbawa, kung 20 senator-judges ang kwalipikadong bumoto, ang two-thirds ay 13.33 kaya 14 votes ang kakailanganin para sa conviction, paliwanag ni Escudero.
Binigyang-diin din niya na ang ruling ay “pro hac vice” o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial ni Duterte at hindi magiging binding precedent sa mga susunod na impeachment proceedings.
“This is a ruling, not an amendment of the rules,” ani Escudero, sabay sabing maaaring magsilbi lamang itong persuasive guidance sa mga susunod na impeachment court.
Nauna nang binaligtad ng impeachment court ang July 6 ruling na nagtakda ng fixed 16-vote requirement matapos aprubahan ang mosyon ni Sen. Erwin Tulfo na muling linawin ang batayan ng two-thirds threshold. RNT