Home NATIONWIDE CHED bukas sa pagkilala ng ‘lived names’ ng studes sa graduation

CHED bukas sa pagkilala ng ‘lived names’ ng studes sa graduation

2
0

MANILA, Philippines — Bukas ang Commission on Higher Education (CHED) sa pagtalakay ng polisiya na magpapahintulot sa paggamit ng “lived names” ng transgender, queer at non-binary students sa graduation ceremonies, ayon kay Makati City Rep. Monique Lagdameo sa deliberasyon ng budget ng ahensya.

Ang “lived name” ay pangalang ginagamit at kinikilala ng isang tao sa araw-araw na maaaring iba sa nakasaad sa kanyang birth certificate.

Sinabi ni Lagdameo, na nag-sponsor ng budget ng CHED, na wala umanong nakikitang legal na hadlang ang komisyon sa ganitong hakbang basta hindi babaguhin ang pangalan sa official school records.

Lumutang ang usapin matapos itanong ni Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña kung maaaring magkaroon ng pambansang polisiya ang CHED kaugnay nito, kasunod ng hakbang ng ilang paaralan na kilalanin ang lived names ng kanilang mga estudyante sa graduation rites.

Iginiit ni Cendaña na mahalaga ang pagkilala sa lived names para sa transgender, non-binary at queer students, partikular sa mahahalagang okasyon gaya ng pagtatapos.

Tinalakay rin sa deliberasyon ang reklamo hinggil sa umano’y diskriminasyon sa isang transgender student sa isang unibersidad sa Lipa, Batangas dahil sa dress code.

Ayon kay Lagdameo, may umiiral nang mga polisiya ang CHED kaugnay ng karapatan at personal na preference ng mga mag-aaral at sinabi niyang titingnan ng komisyon ang naturang insidente. May umiiral ding CHED policy framework sa Gender and Development sa mga higher education institutions. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here