Home NATIONWIDE Kamara binura sa rekord ‘out of order’ ruling sa mosyon ni Tiangco

Kamara binura sa rekord ‘out of order’ ruling sa mosyon ni Tiangco

3
0

MANILA, Philippines — Binura sa opisyal na rekord ng House of Representatives ang naunang ruling na nagdeklara na “out of order” ang mosyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na muling buksan ang deliberasyon sa proposed budget ng Kamara.

Sa plenary session nitong Miyerkules, Setyembre 23, naghain ng mosyon si Cavite Rep. Aniela Tolentino na alisin sa rekord ang dalawang pagkakataong idineklarang out of order ang motion for reconsideration ni Tiangco. Inaprubahan ni Deputy Speaker Raymond Mendoza ang mosyon matapos walang tumutol.

Nauna nang kumuwestiyon si Tiangco sa paglilipat ng deliberasyon sa budget ng Kongreso mula Setyembre 24 patungong Setyembre 17, panahong nasa official travel siya sa ibang bansa. Noong Setyembre 21, hiniling niyang muling buksan ang deliberasyon ngunit idineklarang out of order ni Deputy Speaker Janette Garin ang kanyang mosyon.

Ikinatuwiran noon ni Garin na sa ilalim ng House rules, ang miyembrong bumoto kasama ng mayorya ang maaaring maghain ng motion for reconsideration. Kinuwestiyon naman ni Tiangco kung maia-apply ang naturang probisyon dahil, ayon sa kanya, walang isinagawang aktuwal na botohan bago tinapos ang interpellation sa budget.

Nagkaroon ng halos isang oras na suspension ng plenary session nitong Miyerkules habang tinatalakay ang isyu. Pagbalik ng sesyon, inaprubahan ang mosyon na alisin sa rekord ang naunang ruling.

Pinasalamatan ni Tiangco ang mayorya at House leadership sa paglilinaw sa nangyari, habang wala pang hiwalay na desisyon na muling buksan ang deliberasyon sa budget ng Kamara. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here