QUEZON CITY – MULING hinihikayat ang Commission on Audit na magsagawa ng mas malalim na pagsusuri sa umano’y iregularidad sa pamamahagi ng P6.4 bilyong Local Government Support Fund (LGSF) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), matapos lumutang ang alegasyong may mga lokal na pamahalaang may kaugnayan sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na napaboran sa distribusyon ng pondo.
Ayon sa mga mambabatas na nagsagawa ng imbestigasyon sa Kamara, dapat magsagawa ang COA ng forensic audit upang matukoy kung paano inilabas, ipinamahagi, at ginamit ang pondo, halos isang taon matapos unang kuwestiyunin ng Kongreso ang umano’y selektibong paglalaan nito.
Nakabatay ang panawagan sa House Resolution No. 2199 at sa mga natuklasan ng House Committee on Public Accounts na nagrekomenda ng espesyal na forensic investigation sa paggamit ng LGSF sa rehiyon.
Sa mga pagdinig ng komite, lumitaw ang alegasyong may mga LGU at barangay na nakatanggap ng pondo dahil umano sa kanilang ugnayang pampulitika sa UBJP, ang partidong politikal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nagsimula ang usapin noong Enero 2025 nang ihayag ni Lanao del Sur Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ang kanyang pag-aalala sa mga ulat na mahigit 400 barangay ang nakatanggap ng P500,000 hanggang P2.5 milyon mula sa LGSF. Ayon sa ilang ulat, may mga opisyal umano ng barangay na kalaunan ay pinabawi ang malaking bahagi ng pondong kanilang natanggap para sa tinawag na “special operations.”
Binanggit naman ni dating House Public Accounts Committee Chair Stephen Joseph Paduano ang mga umano’y iregularidad sa pamamahagi at paggamit ng pondo, kabilang ang tanong kung nasunod ang mga umiiral na proseso bago ito inilabas.
Dahil dito, pormal na hiniling ng komite noong Marso 2025 sa COA na magsagawa ng fraud audit sa humigit-kumulang P6.4 bilyong pondo. Iginiit ni Adiong na dapat direktang suriin ng central office ng COA ang mga transaksyon dahil sa laki ng pondong sangkot, habang kinuwestiyon naman ni Deputy Minority Leader Mujiv Hataman ang hindi pagdalo ng ilang opisyal ng BARMM sa isa sa mga pagdinig.
Sa Committee Report No. 1502, inirekomenda rin ang mas malalim na forensic investigation upang matunton ang daloy ng pondo, masuri ang mga dokumento ng disbursement at mga panukalang proyekto, at matukoy kung may nalabag na batas o regulasyon.
Ayon sa komite, isa sa mga dapat silipin ang bilis ng paglalabas ng pondo na umabot umano sa halos P1.5 bilyon kada buwan sa panahong nabanggit. May mga lokal na opisyal din umanong tumestigo na nakatanggap sila ng pondo para sa mga proyektong hindi nila hiniling o kalaunan ay hindi naipagpatuloy.
Bukod dito, binigyang-diin ng ulat ang posibilidad ng pagiging selektibo sa pamamahagi ng pondo, partikular sa mga LGU at barangay na itinuturing na kaalyado ng UBJP. Dahil dito, inirekomenda ng komite na masusing suriin ng COA ang mga dokumento at paggamit ng pondo, at hindi lamang umasa sa karaniwang audit procedures.
Gayunman, itinanggi ni BARMM Spokesperson Mohd Asnin Pendatun ang alegasyon. Aniya, “hindi totoo” ang pahayag na hindi nabigyan ng LGSF ang mga LGU na hindi kaalyado ng UBJP. Ipinaliwanag niyang nakabatay ang paglalabas ng pondo sa mga kahilingan ng LGU, pagsunod sa mga itinakdang proseso, at kumpletong dokumentasyon.
Ang House Resolution No. 2199 ay inihain sa Kamara nina Adiong, Deputy Speaker Yasser Alonto Balindong, Basilan Rep. Mujiv Hataman, Sulu Rep. Samier Tan, Maguindanao Rep. Mohamad Paglas, at KUSUG TAUSUG Party-list Rep. Shernee Tan-Tambut.
Kalaunan ay isinumite ng House Committee on Public Accounts ang Committee Report No. 1502 na naglalaman ng mga rekomendasyon para sa karagdagang pagsusuri ng COA at iba pang ahensyang may pananagutan sa pagbusisi ng paggamit ng pampublikong pondo.
Halos isang taon matapos isulong ng Kamara ang espesyal na forensic audit, nananatiling walang malinaw na impormasyon kung natapos na, isinasagawa pa, o pormal nang inaksyunan ng COA ang kahilingan na suriin ang paglalabas ng P6.4 bilyong LGSF sa BARMM. RNT