MANILA, Philippines — Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapalakas ng anti-espionage law ng bansa, ngunit hindi pa niya nasusuri ang bersyon ng panukalang inaprubahan ng House of Representatives, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi hahadlangan ng Pangulo ang panukala kung makikitang makabubuti ito sa bansa at makatutulong sa pagtugon sa mga bagong banta sa national security.
“Pero kung maganda po ang nilalaman nito, hindi po ito hahadlangan ng ating Pangulo,” ani Castro.
Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Setyembre 17 ang House Bill No. 9642 o proposed “New Espionage Act” sa botong 247 pabor, 10 tutol at walang abstention.
Layunin ng panukala na palawakin ang saklaw ng umiiral na espionage law upang tugunan ang cyber-enabled spying, pag-atake sa critical infrastructure at iba pang makabagong banta sa national security. Nakatuon din ito sa proteksyon ng classified information, national defense assets at sensitibong operasyon ng pamahalaan.
Ayon kay Castro, inaasahan ng Palasyo na maaaring magkaroon ng mga pagtutol sa panukala, partikular sa mga probisyong maaaring makaapekto sa kalayaan at karapatan ng mga mamamayan.
Aniya, may karapatan ang mga grupo at indibidwal na magpahayag ng kanilang pagtutol at magsumite ng mga mungkahi upang maisaalang-alang habang dinidinig ang panukala.
Batay sa rekord ng House of Representatives, naipadala na ang HB 9642 sa Senado noong Setyembre 21 para sa susunod na yugto ng proseso ng paggawa ng batas. Kris Jose