MANILA, Philippines – Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng dump truck na tumagilid at dumagan sa motorsiklo na ikinamatay ng isang ama at kaniyang 11-buwang gulang na anak sa Quezon City.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), patungo sa Luzon Avenue ang dump truck nang mawalan umano ng kontrol ang drayber at tumagilid ito sa motorsiklong kasabay nito.
Naganap ang aksidente dakong alas-12:30 ng madaling araw noong Oktubre 27 sa Congressional Avenue corner Luzon Avenue, Barangay Culiat, Quezon City.
Nasawi sa insidente ang 42-anyos na ama habang sakay ng motorsiklo kasama ang kaniyang kinakasama at kanilang 11-buwang gulang na anak.
Ayon sa LTO, naglabas ito ng show cause order laban sa drayber matapos makumpirma ang kaniyang pagkakakilanlan.
Matapos ang masusing imbestigasyon at pagdinig, napatunayang nagkasala ang drayber sa reckless driving kaugnay ng pagkamatay ng rider na nadaganan ng minamaneho niyang dump truck.
Idineklara rin siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle o hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyan. Dahil dito, nagpasya ang ahensya na bawiin ang kaniyang lisensya.
Samantala, napatunayang lumabag din ang operator ng dump truck sa probisyong Employing a Reckless Driver dahil sa pagkuha ng isang walang ingat na drayber.
Pansamantala namang ipinagpaliban ang hiwalay na reklamo laban sa operator kaugnay ng paggamit ng sasakyang may sirang piyesa habang hinihintay ang kinakailangang inspeksyon.
Nananatili rin sa alarm ang dump truck habang nagpapatuloy ang administratibong proseso ng LTO laban sa mga sangkot.
Muling pinaalalahanan ng ahensya ang mga drayber at operator na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe.
Nangako rin ang LTO na paiigtingin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at pananagutin ang sinumang mapatunayang lumabag dito. RNT/JGC