MANILA, Philippines – Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng Manila Police District (MPD) ang dalawang babae dahil sa umano’y pagbebenta ng pekeng identification cards noong Martes.
Ayon sa MPD, nagbebenta ang mga suspek ng pekeng Persons with Disabilities (PWD) cards at driver’s license sa Rizal Avenue at Quezon Boulevard.
Nagsimula ang imbestigasyon noong Setyembre 21 matapos i-report ng isang confidential informant ang talamak na bentahan ng pekeng ID sa lugar.
Nagsagawa ang pulisya ng test-buy operation at nakabili ng pekeng PWD card at driver’s license sa halagang P500 bawat isa.
Nakipag-ugnayan ang MPD sa Manila City Hall Persons with Disability Affairs Office (PDAO) para i-verify ang PWD IDs. Kinumpirma ng tanggapan na walang record sa kanilang database ang mga dokumento.
Dahil dito, nagsagawa ang pulisya ng entrapment operation na nauwi sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Dinala sila sa MPD-District Special Operations Unit (DSOU) at sumailalim sa physical at medical examination. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code para sa inquest proceedings. Jocelyn Tabangcura-Domenden