MANILA, Philippines – Ang umano’y kakulangan ng construction equipment na kailangan para ma-verify ang lalim ng steel sheet piles (SSPs) ang gagamiting depensa ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kapwa akusado ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Nag-ugat ang kaso sa P289.4-milyong Sunwest road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro, na ayon sa prosecutors ay may malubhang structural deficiencies, partikular sa SSPs.
Ayon kay Dustin Jay Condez, abogado ng project engineer na si Felizardo Casuno, magbibigay ng testimonya si Jonathan Araullo, officer-in-charge ng Bureau of Quality and Safety ng DPWH Region IV-B.
“He will testify on the absence or inadequacy of construction equipment to correctly verify the depth of the embedded sheet piles,” ani Condez.
Hindi naman nakumpirma ng prosecutors kung sasang-ayunan nila ang alegasyon tungkol sa kakulangan ng equipment.
Nakaiskedyul tumestigo si Araullo sa Sept. 29, habang si Casuno naman ay haharap sa witness stand sa Oct. 1.
Samantala, sinabi ni DPWH chief Vince Dizon na nang inspeksyunin niya ang proyekto noong Setyembre ng nakaraang taon, nakita niyang tatlong metro lamang ang lalim ng SSPs, malayo sa 12-meter requirement. RNT/MDS