SANTIAGO CITY, Phillipines – Bumagsak sa kamay ng otoridad ang isang mag-anak na kinabibilangan ng ina, anak at kapatid sa ikinasang anti -illegal drug buybust operation sa kanilang tahanan na ginawang drug den sa Brgy. Calaocan dito sa nasabing lungsod.
Kabilang sa mga nahuli si alyas “Emz” 39-anyos na Ina ni alyas “Dags” 23-anyos na driver habang huli rin ang tiyo nito na si alyas “Mak”, 30-anyos na tricycle driver na mga residente ng nabanggit na lugar.
Nanguna sa operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 katuwang ang SCPO CIU, Station 1 kabilang ang RDEU, PDEG SOU 2 at RIU 2 CIT SANTIAGO CITY na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek at pagkakabuwag sa bahay ng mga ito na ginawang drug den.
Nabili sa isa sa mga suspek ang isang 0.3 gramo ng shabu sa halagang Php 1,000.00 (Buybust money) na nakuha sa pagiingat ng mga ito, nasamsam naman sa lugar ang 137 Gramo ng Marijuana na nagkakahalaga ng Php 16,440.00.
Kabilang pa sa mga nasamsam ang limang (5) piraso ng small plastic sachet ng tuyong marijuana na nagkakahalaga ng Php 1,080 at isang (1) brick form marijuana na nakabalot sa brown paper na may bigat na 128 grams at nagkakahalaga ng Php 15, 360.00.
Nakuha pa sa lugar ang perang ginamit sa operasyon, tatlong (3) android phone, tatlong (3) disposable lighters, isang (1) unit weighing scale, isang (1) piraso ng glass pipe na may drug residue at limang (5) piraso ng gamit na aluminum strip foils.
Isinailalim sa imbentaryo ang mga ebidensya partikular sa harap ng mga insulating witness at mga pinaghihinalaan.
Nahaharap sa Section 5, 6,7, 11 at 12 Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)







