TACLOBAN CITY — Napigilan umano ng mga awtoridad ang planong pamamaril sa Biliran Province State University (BiPSU) Laboratory High School sa Naval, Biliran matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay ng security threat, ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8).
Nagsimula ang imbestigasyon matapos matagpuan noong Setyembre 22 ang isang liham sa BiPSU Student Center na umano’y tumutukoy sa planong pag-atake ng ilang hindi pa nakikilalang high school students.
Agad na nagsagawa ng coordination meeting ang Naval Municipal Police Station, BiPSU Crisis Management Team, mga guro ng Laboratory High School at lokal na pamahalaan upang suriin at beripikahin ang banta.
Nagpatawag din ng emergency parent-teacher association meeting upang ipaalam sa school community ang sitwasyon at mga hakbang na ginagawa ng mga awtoridad.
Ayon kay PRO-8 Regional Director Brig. Gen. Romano Cardiño, lahat ng ulat hinggil sa banta sa mga paaralan ay dapat agarang tugunan at beripikahin.
Pinalalakas na rin ng PRO-8 ang police visibility sa mga paaralan sa Eastern Visayas at ang koordinasyon sa school officials at local government units bilang bahagi ng preventive security measures.
Hinimok naman ng pulisya ang mga magulang, guro at estudyante na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad o impormasyon na maaaring magdulot ng panganib sa mga paaralan. Mary Anne Sapico