MANILA, Philippines — Inaasahan ni Senate President Sherwin Gatchalian na malalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bago magsimula ang filing ng certificates of candidacy (COCs) sa Setyembre 28.
Naipadala na sa Malacañang ang enrolled bill na naglilipat sa susunod na BSKE mula Nobyembre 2, 2026 patungo sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at nagtatakda ng limang taong termino para sa barangay at SK officials.
“Wala naman akong nababalitaan na ive-veto nila ng Malacañang. So, masa-sign ’yun anytime, maybe this week,” sinabi ni Gatchalian nitong Huwebes.
Pinagtibay ng House of Representatives noong Setyembre 16 ang bersyon ng Senado kaya hindi na kinailangang dumaan sa bicameral conference committee bago ito ipinadala sa Office of the President noong Setyembre 22.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan sa dalawang magkasunod na termino ang barangay officials habang mananatiling isang termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng SK officials.
Samantala, nagpapatuloy ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda para sa Nobyembre 2 BSKE habang wala pang batas na pormal na nagpapaliban dito.
Sa kasalukuyang Comelec calendar, nakatakda ang filing ng COCs mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026.
Nauna nang sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na magpapatuloy ang election preparations hangga’t hindi nagiging batas ang panukalang nagpapaliban sa halalan. RNT