MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapalawak sa buong bansa ng isang technology-driven emergency alert system para mapabilis ang pagtugon sa mga banta at insidente sa mga paaralan.
Target ng PNP na palawakin ang B.E.S.T. School Alert and Rapid Response System, o “Build Partnership. Early Detection. Swift Alert. Tactical Response,” na binuo ng Police Regional Office 4A (Calabarzon).
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng sistema na mapahusay ang koordinasyon ng mga pulis, paaralan at lokal na stakeholders sa pagtukoy at agarang pagtugon sa mga security threat at emergency.
Sa pilot implementation sa Calabarzon, nasa 155 paaralan ang nakatakdang gumamit ng application para sa mas mabilis na reporting, information-sharing at koordinasyon sa mga awtoridad.
Sinabi ng PNP na nakikipag-ugnayan din ito sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa posibleng karagdagang development at pagpapatuloy ng platform kung ipatutupad ito nationwide.
Ang hakbang ay isinusulong kasunod ng mga kamakailang insidente ng karahasan sa ilang paaralan sa bansa.
Ayon kay Nartatez, kailangang mas gamitin ng law enforcement agencies ang available technology at training upang mapabilis ang emergency response at mapanatiling ligtas ang mga estudyante at guro. Santi Celario